kadena,
kawil,
pag-abutin,
likaw o bilog na kapag
pinagkawing-kawing
pinagkawing-kawing
ay nagiging kadena;
kuneksiyon,
relasyon,
pagkakabit.
ang tanikala, sa normal na usapan ay tinatawag na kadena o kawil. isang bagay na ginagamit sa pagdurugtong ng bagay-bagay. maari rin itong gamitin upang sikilin ang nais na humulagpos, upang sa muli't muli ito ay iyong maangkin at mapasaiyo.
ang tanikala ay maari rin gamitin upang isalarawan ang kuneksyon o relasyon ng mga bagay bagay. ito rin ay nag uugnay sa mga detalye ng isang bagay, pangyayari o anumang naisin mong pagkabit-kabitin. nais ko ring ipokus ang atensyon sa halaw sa itaas na nagbibigay kahulugan sa tanikala: likaw o bilog na kapag pinagkawing-kawing ay nagiging kadena. hango rito, maaring nating sabihin na ang tanikala ay binubuo ng di lamang iisang piraso ngunit ito ay gawa sa mumunting mga likaw o bilog na pinagkakabit kabit upang makabuo ng isang bagay:
ang tanikala.
ang buhay ay maihahalintulad sa isang tanikala. kabit-kabit ang mga pangyayari, sabit-sabit ang kapalaran. kung minsan ito'y pawang sinisikil ng mga pagkakataon at kung minsan ito'y inaangkin. sa bawat pangyayari sa ating buhay, tayo ay waring naka-tanikala. nakagapos sa dala ng kapalaran na ni sinuman walang naka-aalam kung ano ang maaaring mangyari. sa ating pagsabak sa hamon ng panahon, tayo ay unti-unting bumubuo ng mumunting desisyon na sa paglaon ay nagkakawing-kawing upang mabuo ang isang panghabambuhay na pilosopiyang ating sinusunod at pinaghuhugutan na siyang sandigan sa bawat desisyon. kalaunan, ang lahat ng ito ay nagsisilbing ating tanikala na humuhubog at humuhulma ng ating pagkatao. pagkataong ating ipinangangalandakan sa lahat ng ating nakasasalamuha at nakakahalubilo.
subalit ang buhay kung minsan ay sadyang mapaglaro. hindi sa lahat ng oras ating nakakamit ang bawat mithiin at tagumpay. at sa ganitong mga panahon ay ninanais nating humulagpos sa ating mga tanikala, sa kadenang nagbibigkis sa ating sarili at desisyon sa buhay. kung minsan naman, ang ating tanikala ay ginagamit natin upang sikiliin ang ibang bagay, ang ibang buhay. ito ay ating ginagamit na sangkalan upang mapasaatin ang ninanais na makamit.
ang ating pagkakagapos at pagkakabigkis sa tanikala ay nakadepende sa tibay nito. minsan, panandalian lamang. kung minsan, pangmatagalan. bitiwan mo man ito, sadyang nakakabit na ang ating mundo sa ating mga
tanikala.
No comments:
Post a Comment