Tuesday, March 29, 2011

hibla

hibla:

1530s, mula sa Fr. hibla,  
mula sa L. fibra  "fiber, filament" 
hindi tiyak na pinagmulan, 
marahil maykaugnayan 
sa L. filum "thread" 
o mula sa salitang ugat 
ng findere  "split"


ang hibla ay salitang naglalarawan sa isang manipis na bagay tulad ng sinulid at ginagamit upang maghabi ng isang bagay.

nahirapan ako hanapin ang kahulugan ng hibla.  wari'y wala itong pakahulugan at masasabi lamang na ang hibla ay "hibla."  o kung minsan pa, hindi alam ang ibig sabihin nito.  masambit man ito at magamit sa ating pananalita, ang hibla ay payak na binibigkas na pawang isa lamang pangatnig na maihahantulad sa isang salita o lipon ng mga salita at kataga na ginagamit sa pag-uugnay ng isang salita sa kapwa salita, ng isang parirala sa kapwa parirala, o ng isang pangungusap sa kapwa pangungusap.

ako'y nagitla sa salitang ito dahil sa miminsan ko lamang ito madinig.  at miminsan ko lamang din ito gamitin.  hibla, kung ihahambing sa ating buhay ay katulad ng tanikala.  maaaring pagkabit-kabitin upang bumubuo ng isang pagkatao.  

ika nga nila, ang tao ay binubuo ng mga hibla ng moralidad.  kung wala nito, masasabing masama o imoral ang taong iyon.  ngunit ano ba ang batayan ng moralidad?  sabi sa sosyolohiya, ang mga katanggap tanggap na gawain at tama ay masasabing moral.  tanggap.  nino?  ng pamayanan?  ng ibang taong nakapaligid sa iyo.  iyan ang batayan ng tama.  sila.  sa pamayanan, ang mga tao na kabilang dito ay pawang mga hibla.  mga hibla na maaaring bumuo o sumira sa ating pagkatao.  at ang ating moralidad ay nakabatay rito.  at kung hihimay himayin natin ang bawat hibla ng ating pagkatao, makikita nating repleksyon lamang ito ng mga taong nakapaligid sa atin.

 

Monday, March 28, 2011

tanikala ni japs

tanikala:

kadena,
kawil,
pag-abutin,
likaw o bilog na kapag
pinagkawing-kawing
ay nagiging kadena; 
kuneksiyon,
relasyon,
pagkakabit.













ang tanikala, sa normal na usapan ay tinatawag na kadena o kawil.  isang bagay na ginagamit sa pagdurugtong ng bagay-bagay.  maari rin itong gamitin upang sikilin ang nais na humulagpos, upang sa muli't muli ito ay iyong maangkin at mapasaiyo.

ang tanikala ay maari rin gamitin upang isalarawan ang kuneksyon o relasyon ng mga bagay bagay. ito rin ay nag uugnay sa mga detalye ng isang bagay, pangyayari o anumang naisin mong pagkabit-kabitin.  nais ko ring ipokus ang atensyon sa halaw sa itaas na nagbibigay kahulugan sa tanikala: likaw o bilog na kapag pinagkawing-kawing ay nagiging kadena.  hango rito, maaring nating sabihin na ang tanikala ay binubuo ng di lamang iisang piraso ngunit ito ay gawa sa mumunting mga likaw o bilog na pinagkakabit kabit upang makabuo ng isang bagay: 
ang tanikala. 

ang buhay ay maihahalintulad sa isang tanikala.  kabit-kabit ang mga pangyayari, sabit-sabit ang kapalaran.  kung minsan ito'y pawang sinisikil ng mga pagkakataon at kung minsan ito'y inaangkin.  sa bawat pangyayari sa ating buhay, tayo ay waring naka-tanikala.  nakagapos sa dala ng kapalaran na ni sinuman walang naka-aalam kung ano ang maaaring mangyari.  sa ating pagsabak sa hamon ng panahon, tayo ay unti-unting bumubuo ng mumunting desisyon na sa paglaon ay nagkakawing-kawing upang mabuo ang isang panghabambuhay na pilosopiyang ating sinusunod at pinaghuhugutan na siyang sandigan sa bawat desisyon.  kalaunan, ang lahat ng ito ay nagsisilbing ating tanikala na humuhubog at humuhulma ng ating pagkatao.  pagkataong ating ipinangangalandakan sa lahat ng ating nakasasalamuha at nakakahalubilo.  

subalit ang buhay kung minsan ay sadyang mapaglaro.  hindi sa lahat ng oras ating nakakamit ang bawat mithiin at tagumpay.  at sa ganitong mga panahon ay ninanais nating humulagpos sa ating mga tanikala, sa kadenang nagbibigkis sa ating sarili at desisyon sa buhay.  kung minsan naman, ang ating tanikala ay ginagamit natin upang sikiliin ang ibang bagay, ang ibang buhay. ito ay ating ginagamit na sangkalan upang mapasaatin ang ninanais na makamit.  

ang ating pagkakagapos at pagkakabigkis sa tanikala ay nakadepende sa tibay nito.  minsan, panandalian lamang.  kung minsan, pangmatagalan.  bitiwan mo man ito, sadyang nakakabit na ang ating mundo sa ating mga 
tanikala.